Maituturing
na pambansang sasakyan nating mga Pilipino ang jip. Ito ay sa kadahilanang
nagkalat sila sa ating mga lansangan, pangunahin man o hindi, at tunay namang
isang espektakulo sa paningin at pandinig sa araw-araw. Hari ng ating
kakalsadahan ang jip dahil numero unong transportasyong tinatangkilik ng mga
Pilipino kung kaya’t masasabing mahalagang bahagi ng kulturang Filipino sa
kontemporanyong panahon. Hindi padadaig kahit pa makipaggitgitan,
makipagpaligsahan, o hindi kaya’y makipag-unahan sa mga higanteng bus na kapwa
pumapasada buong magdamag lalong-lalo na sa mga malalaking syudad sa bansa.
Hindi rin sila syempre pahuhuli sa disenyo dahil marami-rami pa rin ngayon ang
pumapasadang mga makukulay na jip. Dagdag engganyo kumbaga sa mga pasaherong
suki na nila. Isa akong regular na pasahero ng mga jip magmula pa noong ako’y
nag-aaral hanggang ngayon na ako’y nagtatrabaho na. Sa tagal-tagal ko nang
sumasakay rito ay masasabi kong may pangkalahatang kabatiran na ako ukol sa
kultura ng transportasyong ito. Marami-raming karanasan na rin, kapwa
nakatutuwa at nakadidismaya, ang maiuugnay ko sa pagsakay sa jip. Marami-rami
ring paniniwalang popular na minsan ay totoo at minsan naman ay hindi depende
sa sirkumstansya.
Pamana
sa akin ng aking metikulosang nanay ang paraan ng pagpili ng sasakyang jip sa
araw-araw lalong-lalo na sa umaga na papasok sa trabaho at malaki ang
tendensiya na maleyt dahil sa trapikong dulot ng siksikan ng mga sasakyan sa
tinatawag nilang rush hour. Sabi
niya, wag ko raw sakyan ang mga jip na ang drayber ay matanda dahil siguradong
makupad ang pagpapatakbo nito, kung hindi man talagang usad-pagong o para
bagang bahagi kayo ng funeral parade.
Wag ko rin naman daw sakyan kung sobrang bata ang drayber dahil parang sumakay
ka sa rollercoaster kung magkagayon.
Drayber na hindi matandang-matanda at hindi rin batang-bata ang dapat ko raw
sakyan para swabe ang biyahe. Tantyahin ko lang daw ang edad para makasiguro ako
sa bilis ng minamaneho niyang jip. Kaso lamang napagtanto ko na ang hitsura ay
hindi sapat na batayan ng edad kung kaya’t masyadong vague ito para sa akin. Sa totoo lang ay hindi ko naman lubusang
sinusunod si Mama lalong-lalo na kapag nagmamadali ako. Kung anong jip ang
mabungaran ko pagbaba ng traysikel ang una kong sinasakyan mapa-bata o
mapa-matanda man ang drayber. Madalas nga’y nakagugulat at nakatutuwa ang mga
nasasakyan kong jip dahil magkabaligtad na katotohanan ang sumasambulat sa
akin: harurot si manong drayber na ang hitsura’y uugod-ugod na at bakit
humahawak pa ng manibela habang iyong binata naman ay mistulang namamasyal sa
pagpapatakbo animo’y may tanawing ayaw makaligtaan o malagpasan ng tingin.
Sa
bayan ng Novaliches kung saan ako sumasakay papasok sa pinagtatrabahuhang
unibersidad ay madalas akong makatagpo ng jip na papuno na. Kasabay ng lalong
lumalakas na boses ng mga barker ang pagmamadali kong sumampa sa paalis nang
jip. Sa ganitong mga pagkakataon ay madalas na nasa dulo na, iyong katabi na ng
drayber, ang pwestong nakalaan sa iyo. Madalas din na ang espasyong iyon, kung
kukuwentahin, ay kalahati ng ibabayad mong otso pesos bilang minimum fare.
Dahil malapit na akong maleyt kung kaya’t kinakagat ko na rin ang anyaya ng
maliit na espasyo kahit pa matagal kong ididikit lamang ang puwitan sa upuan,
iyon bang nakasayad lang at talagang mananakit ang binti mo sa pagsalo sa
sarili mong bigat, habang hinto-arangkada ang jip dahil sa sala-salabat na
trapiko. Minsan pa nga’y magbibiro ang ilang barker at drayber na upong otso
(dati ay upong syete) lamang dapat para magkasya ang lahat. Ngunit nakatutuwang
isipin na sa kabila ng pagkakaiba ng sukat at laki ng mga taong sumasakay ay
ipinipilit ang sampuan sa magkabilang panig ng jip. Maaaring hindi alam ng mga
barker at drayber ang pagkakaiba ng ideyal sa reyal, o kanila lamang itong
isinasantabi.
Isa
pang nakaaaliw na katotohanan sa jip ang kahalagahan ng kooperasyon ng lahat
lalong-lalo na sa pag-abot ng pasahe. Depende sa kung saan ka nakaupo kung ikaw
ang magiging good samaritan ng kung
tutuusin ay isang simpleng gawain lamang ngunit iniiwasan ng marami hangga’t
maaari. Maraming taktika ang ilan para makaiwas sa “responsibilidad” tulad ng
pagtutulog-tulugan kahit pa halatang-halata na nakapikit lamang ang mga mata,
pagtingin sa labas kahit pa halatang todo pihit ang leeg para lang magkaroon ng
excuse para hindi mag-abot ng pasahe, pagtetext para abutin na ng iba o ng
katabi ang pamasaheng ipinapasa sa kanya, at marami pang ibang paraan basta madedma
lamang ang pag-abot ng pasahe. Feeling siguro ng iba ay may konduktor sa jip
tulad ng kalakaran sa mga pampubliko at pribadong bus. Ang kailangan nilang
mapagtanto ay ang katotohanang sa jip ay maaaring maging konduktor ang lahat.
Lahat ay dapat na handang mag-abot ng pasahe. Idagdag pa diyan ang taktika ng
ilan na pakikisabay sa pagbabayad ng pasahe, lalo na kung karamihan ay barya at
kung marami ang nagbabayad nang sabay-sabay, upang mapagtakpan ang isa pang
katotohanan na hindi lahat ay nagbabayad ng tamang pasahe. Hindi pa kasama
diyan ang taktika ng ilan na umidlip muna dahil malayo pa naman ang kanilang
destinasyon at kasabay ng pagpapalit-palit ng pasahero, ang pag-akyat baba
nila, ay tiyak na malaki ang tsansa, lalong-lalo na kung hindi tutok si manong
drayber sa kung sino pa ang hindi nakakapagbayad, na malusutan siya ng mga
nakikiangkas lamang pala.
Sa kabuuan, masasabi na isang nakatutuwang
eksplorasyong kultural ang pagsakay sa jip. Iba’t ibang uri ng tao, dala-dala
ang kanilang mga indibidwal na disposisyon, ang makakasalamuha mo rito. Maliit
na grupo ang bumubuo sa jip at ang harapang posisyon ng mga pasahero, maliban
sa unahan, ay nagbibigay ng pagkakataon sa mas bukas na interaksyon,
lalong-lalo na kung trapik kung saan pamatay-bagot ang pagkukwentuhan ng mga
pasahero sa isa’t isa, hindi katulad sa mga bus na limitado ang interaksyon
dahil sa posisyon ng mga pasahero at estruktura mismo ng nasabing sasakyan. Isama
pa diyan ang mga nakababaliw na pangyayari sa loob ng jip na sigurado akong karamihan
sa mga Pilipino ay may maibabahaging kwentong pang-aliw o pang-inis. Ngunit sa
pangkalahatan, ang kabuluhan ng jip sa buhay nating mga Pilipino ay hindi
lamang sa pagsakay rito bilang pangunahing moda ng transportasyon, kundi sa
pagdanas sa kulturang pinasisibol nito sa araw-araw nating pagtangkilik dito.