Minsan
ay natatawa ako dahil tuwing Valentines Day napi-feel ko, hindi lang ang
kalungkutan dahil wala akong makaka-date, kundi dahil kahit anong pilit ng
midya na sabihin na ang Feb 14 ay araw ng pag-ibig---pag-ibig sa magulang, kina
lolo't lola, sa loyal friends, sa mga
kaeskuwela, katrabaho, at kung sino-sino pa--ay nananatiling naka-highlight ang
pag-ibig na romantiko. Kaya kahit niloloko ng midya ang publiko sa pagsasabing
ang Feb 14 ay para sa lahat, nananatili ang nakapailalim na mensahe nito na
para lamang sa mga may kasintahan lalong-lalo na yaong mga in-love na in-love pa sa isa't isa.
Hindi ako makasakay sa ganitong klase ng segregasyong bunga ng ganoong
napakamakahulugang mensahe. Mistula bang ipinamumukha sa iyo ng paligid--umaga,
tanghali, at gabi--na wala kang karelasyon kung kaya't nakahihiyang pumasok sa
loob ng anumang restawran may mga pakulo sila para sa mga romantic couple at hindi ako makaka-avail niyon sapagkat
wala akong kapartner na kasamang magda-dine in, at ayaw ko namang mag-imbita ng
sinoman sapagkat baka may makakita sa aking mga kakilala na for sure akong sasabihin na
ako'y in-love na rin at mabuti'y na-meet na rin nila ang aking one and only. Ang aking one and only? Mukhang mas malaking
problema yata iyon dahil kailangan kong pabulaanan ang kanilang masidhing
paniniwala, at in the first place, may papayag bang
makipag-date sa akin sa araw na iyon? Lalong-lalo na dahil ang paligid ay
nakaantabay sa pagsugod ng batalyon ng mga langgam, paghalimuyak ng mga
emosyong romantiko, pag-ulan ng iba't ibang kulay ng rosas, at pagtugtog ng mga
biyolin. Sino ang susugal sa ganoong komplikasyon? Sino ang handa sa mga samu't
saring tanong tungkol sa amin? Na kung ide-deny ko nang bonggang-bongga ay
magmumukha naman akong patweetums at showbiz? Sabagay, maaari rin naman akong
lumabas kinabukasan, hindi ba? With anyone, mukhang mas okay na dahil
nakadighay na ang paligid sa ka-cheesyhan ng nagdaang araw. Pero, paano kung sa
Feb 14 ko nga gustong lumabas? Paano nga kaya?
No comments:
Post a Comment