Isang
nakalulungkot na katotohanan ang matagal nang hidwaan sa pagitan ng mga
Kristiyano at mga Muslim sa lipunang Filipino. Nakatala sa mga pahina ng
kasaysayan at unang itinampok ng panitikang kolonyal—ang kwentong Florante at Laura ni Francisco Balagtas bilang pinakamatingkad na halimbawa-- ang
kahulugan ng pagiging Kristiyano at Muslim sa nagbabagong konteksto ng mga
ugnayang panlipunan; mula nang ipunla ng mga Kastila noong ika-16 na dantaon
ang binhi ng Kristiyanismo sa kapuluang tatawaging Filipinas hanggang sa dalhin
at patuloy na lumaganap ang kaagapay nitong antagonismo sa modernong panahon.
Kung tutuusin, masasabi na pandaigdig ang saklaw ng ganitong kalagayang
panlipunan sa pagitan ng dalawa sa pinakamahalaga at pinakamalaking pwersang
panrelihiyon na patuloy na humuhulma sa kasaysayang kontemporanyo ng daigdig,
kung saan hindi nakaliligtaan ng pangmadlang midya na ipamarali sa mundo ang
iba’t ibang kuwento na ang pinapaksa ay ang palagiang pakikipagtunggali ng mga
mananampalatayang Muslim sa mga pwersang sa tingin nila’y banta sa kanilang
kaangkinan bilang isang grupong kultural, at kung paanong ang kaugnay nitong
pagtatanggol sa sariling kapakanan ay nalalangkapan ng malalagim na impresyong
sosyo-kultural na pumapaslang sa katotohanang kultural ng mga ganoong pagtugon.
Kaugnay nito, hindi maitatanggi na ang
usapin ng paghahasik ng terorismo at ang pinag-iibayo nitong antagonismong
panlipunan ang palagiang binibigyaang daan at ipinangangalandakan sa
nakatanghod na publiko. Mabuti na lamang at mayroong mga kontra-punto o
argumento na nagbibigay balanse sa malalang kalagayan ng mga pagpapakahulugang
sosyo-politikal sa ugnayang Muslim-Kristiyano tulad na lamang ng pananaw ng
batikang kritiko na si Gore Vidal sa kanyang aklat na Perpetual War for Perpetual Peace (2002), kung saan diumano ay
hindi nasusuri nang malaliman ang mga dahilan na maaaring nagtulak at
nagtutulak sa mga binansagan at binabansagang ‘terorista’ tulad ni Osama bin
Laden upang gawin ang mga bagay na kanilang ginawa at gagawin sa kasalukuyan at
sa hinaharap. Kung gayon, masasabi na ang mga persepsyong panlipunan na mayroon
tayo’t pinanghahawakan nating totoo’t mapagtaya ukol sa usaping ito’y hinubog
ng politika ng disparidad kaugnay ng mga imaheng pangkalinangan na
ipinaiintindi sa atin ng midya at kung paanong ang isang panig ay hindi
nabibigyang tinig at nagagawaran ng kaukulang halaga na nagsasadlak sa kanila,
hindi lamang sa laylayan ng mga pagpapahalagang kultural at pangkahulugan,
kundi maging sa pagkakagapos sa mga esteryotipong lubos na mapanira’t lantad
ang pagkanegatibo.
Malaki ang epekto ng ganitong
namamayaning kaisipan at ang mga kaakibat nitong impresyon sa naging pagpili ko
sa magiging paksa ng aking etnograpiya. Isang malaking hamon para sa akin ang
tuklasin ang pananaw ng mga Muslim ukol sa katotohanan ng mga bagay-bagay
sapagkat nais kong maunawaan ang mga lohika’t prinsipyo na gumagabay sa
uniberso ng kanilang pag-iral, lalong-lalo na sa usapin ng mataas na pagkilala
sa sarili, at iugnay ito sa aking mga paniniwala’t pansariling paninindigan
bilang isang Kristiyano. Dahil sa antagonismong panlipunan, batid ko ang
polarisasyong bumibihag sa katotohanan ng kanilang pag-iral kung kaya’t
minabuti kong sila ang gawan ng etnograpiya nang sa ganoon ay masipat ko ang kanilang
pagtanaw sa mga usapin at bigyan ng lehitimasyon ang kanilang mga tinig. Ang
ganitong ideya ang dala-dala ko nang simulan ang pakikipanayam sa aking tatlong
mag-aaral na Muslim sa Quezon City Polytechnic University- San Bartolome Campus
kung saan ako nagtuturo. Mabuti na lamang at malapit ang loob nila sa akin kung
kaya’t hindi ako lubusang nahirapang lapitan at kausapin sila.
Bilang Kristiyano, nakita ko na
makabuluhang lunsaran ng pag-uusap ang Pasko sapagkat magkakaiba ang mga
pagtanaw ukol dito. Hindi man ako aral sa Bibliya ngunit malinaw sa akin ang
lohika ng pagdiriwang nito. Samantala, isang malaking palaisipan ang pananaw ng
iba lalong-lalo na ng mga Muslim kahit pa sabihin na may salimbayan ang
Kristiyanismo at Islam. Sa ganang ito, masasabi na sa kabila ng hiblang
nag-uugnay sa dalawang relihiyon ay nananatili ang mga kaibhang nagbibigay sa
kanila ng partikularidad at nagtatampok sa kanilang kakanyahan. Iniangkla ko
ang katotohanan na isang malaking selebrasyong Kristiyano ang Pasko, ang
paggunita sa kapanganakan ng tagapagligtas na si Hesus, at hindi ito
ipinagdiriwang ng mga kapatid nating Muslim sapagkat ayon sa kanila ay walang
petsang nakatala sa Qur’an na nagsasabing isinilang nga si Eesa sa petsang Disyembre 25. Kaugnay pa nito ang paniniwalang Islamiko na
si Eesa ay hindi Diyos at isa lamang propeta ni Allah kung kaya’t masasabi na
ang ganitong mga partikularidad ay makabuluhan sa pagtanaw sa Pasko, bilang
isang selebrasyong puspos ng sala-salabat at magkakaibang kahulugan at
interpretasyon, sapagkat may tangan itong kapangyarihan na kumukuha ng
sustansya sa mga katotohanang relihiyoso. Makabuluhan din sapagkat pangunahin
ang konsepto ng Diyos at pagkadiyos dahil pinatutungkulan nito ang isang
pwersang mapagtaya sa pag-iral ng uniberso ng mga taong nananampalataya, kung
saan ang pagiging ‘tama’ ng mga batayang konseptong panrelihiyon ay mahalaga sa
kabuuang konsepto ng komunidad relihiyoso ukol sa pagiging ‘tunay’ ng kanilang pinanghahawakang
pananampalataya. Ang ganitong pagkakaiba sa paniniwala na nagbubunga ng mga
tunggaliang pangkahulugan ay batid ko bilang mag-aaral ng Antropolohiya, kung
kaya’t masasabing may kaunting kaba sa aking dibdib nang magsimula akong
magtanong sapagkat alam ko na sa paglalim ng aming pag-uusap ay magiging
malaking kahingian ang ‘pagtatanggol’ ko sa lohika ng Pasko bilang isang
selebrasyong Kristiyano at isang selebrasyong marapat lamang ipagdiwang;
anumang debateng historikal-relihiyoso ang sumibol mula rito sa paglaon.
Bago ko isagawa ang panayam kina
Asmina (17), Noraima (17), at Jasim (16) ay malalim kong inisip kung anong
tanong ang magandang maging panimula. Sa panonood ng mga panayam sa telebisyon
at sa pakikinig ng mga ito sa radyo ay nakita ko kung gaano kahalaga ang
panimulang tanong upang buhayin at bigyang direksyon ang magiging pag-uusap.
Nasa harapan ng pinto ng kanilang klasrum kinabukasan ay nangangapa pa rin ako
sa kung ano ang unang itatanong. Abala ang buong klase sa pakikipagkuwentuhan
sa katabi habang ang iba’y nakatitig lamang sa akin; animo’y sabik na marinig
ang aking tinig. Nang magsimula akong magsalita ay unti-unting pumayapa’t
nagsanib ang kangina’y hiwa-hiwalay na mundo ng pag-iral. Nagbigay lamang ako
ng kaunting paalala at tagubilin, at hinayaan na rin silang lunurin ang
kanilang mga sarili sa mga mundong kangina’y pinagsaluhan nila. Bukod sa may
kailangan akong isagawang panayam ay naramdaman kong hindi na magiging
makabuluhan ang pagtalakay ng kung anumang paksang pampag-aaral dahil lulong na
ang karamihan sa hiraya ng Christmas
vacation. May kung ano talagang hikayat ang Pasko lalong-lalo na kung ang
paligid ay ipinagsisigawan na ito, aking napag-isip-isip.
Inilapit ko ang aking upuan sa
magkakatabing sina Asmina, Noraima, at Jasim. Malugod na ngiti ang ibinati sa
akin ng tatlo at hindi naglaon ay nagsimula na ang aming pag-uusap. Kinumusta
ko sila at ipinakuwento ang mga karanasan noong bata pa sila kaugnay ng Pasko.
Si Asmina ang pinakamakuwento sa tatlo. Ayon sa kanya ay minsan na niyang
iniyakan ang hindi pagpayag ng kanyang mga magulang na siya’y sumama sa
kanilang Christmas party sa paaralan.
May ganito ring sentimyento si Noraima na nakikita ang pagdiriwang ng mga
Christmas party bilang pakikibahagi sa kanyang mga kaklase na karamihan ay
Kristiyano. Samantala, nanatiling tahimik at nakikinig lamang si Jasim sa
masayang pagbabaliktanaw ng dalawa. Habang dumadaloy ang usapan namin ay
palihim akong lumilingon kay Jasim at pinagmamasdan ang kanyang mga reaksyon.
Hindi ko mawari kung hindi siya panatag sa konsepto ng panayam sa kabuuan, na
kung tutuusin nga’y hindi maituturing na ‘estrukturado’ sapagkat mistulang
simpleng pakikipagkuwentuhan lamang kung pakikinggan at titingnan ang daloy, o
ang kanyang kawalang-kibo at gana, na kung hindi siya tatanungin nang malumanay
at direkta ay hindi magkukusang magsalita, ay dulot ng paksang aming
pinag-uusapan. Marahil ay napansin at naramdaman ni Asmina ang pagnanais kong
makuha ang mga saloobin ni Jasim, sa kabila ng lumalaki kong pangamba na
manatili siyang ganoon hanggang sa huli, kung kaya’t bigla niyang nasabi na
ganoon lamang talaga ang kaklase at palaging tahimik. Sa kasamaang palad, hindi
nagawang bunutin ng ganitong pagsasabi ni Asmina ang tinik sa aking dibdib
lalong-lalo na ng malaman ko na si Jasim ay mula sa isang pamilyang
konserbatibo. Hindi ko maiwasang isipin na ang pagtingin niya sa Pasko ay isang
pagdiriwang na hindi marapat ipagdiwang sapagkat hindi bahagi ng kaalamang
Islamiko; lalong-lalo pa sigurong kasuya-suya kung ang mga kapwa Muslim, tulad ng
kanyang mga kamag-aral na sina Asmina at Noraima, ay makikibahagi sa
selebrasyon na kung tutuusi’y isang pangahas na pagtawid sa mga hangganang
itinakda ng kanilang relihiyon. Isama pa diyan ang mataas niyang pagkilala sa
relihiyong Islam bilang tunay na relihiyon. Inilipad ako nito sa pag-iisip sa
paraan ng pagtuturo ko sa kanilang klase sapagkat maaaring nasasaling ko, kung
hindi man lubusang nalalabag, ang kanyang sensibilidad bilang isang mag-aaral
at bilang isang Muslim. Nakapag-aalala iyon sapagkat madalas ang mga mag-aaral
ay hindi nagsasabi ng kanilang mga saloobin sa kabila ng pagiging bukas mo sa
kanila. Ang kaugnay na tanong pa nga diyan ay kung ang pagiging bukas mo sa
pagtalakay sa iba’t ibang usapin sa klase ay naglalagay sa ilan sa alangan at
tahasang kumukompronta sa kanilang mga pinahahalagahan at pinangangalagaang
kaisipan at paniniwala.
Bilang bahagi ng isang lipunang
pinamamayanian ng mga Kristiyano, masasabi ko na ang pagnanais nina Asmina at
Noraima na makibahagi sa mga pagdiriwang kaugnay ng Pasko at ang
kawalang-interes dito ni Jasim ay manipestasyon ng tunggalian ng tradisyonal at
modernong pagtanaw sa mga usaping kultural. Tradisyonal sapagkat may paggiit na
panatilihin kung ano ang kinasanayan at moderno sapagkat may pagtanggap sa
katotohanan ng malaganap na ugnayan ng mga kultura sa kasalukuyang panahon, at
ang salimbayan ng mga elementong kultural mula sa iba’t ibang karanasang
sosyo-kultural ay tinatanggap, kung hindi man lubusang-lubusan, dahil bahagi
ito ng rasyonal ng reyalidad panlipunan sa kasalukuyan. Kaugnay nito, nakita ko
na para kina Asmina at Noraima ang Pasko ay isang selebrasyong pangkomunidad
kung saan ang malinaw na hangganan sa pagitan ng pagiging Kristiyano at Muslim
ay lumalabo, kung hindi man tuluyan o lubusang naglalaho, kung saan ang
pakikibahagi ay maaaring maging punto ng pakikipagkasundo, pakikipag-ugnayan,
at pagbuo ng matalik na pakikipagkaibigan sa iba sa ngalan ng espirito ng
kagalingang pangkomunidad o panlipunan. Sa ganang ito, masasabi na nakabatay sa
pagpapakahulugang ikakabit ng sinuman ang magiging pagtanaw niya sa mga
pangyayaring kultural tulad ng Pasko. Sa ganitong lente makikita na pinahihina
ng katotohanan ng kahalagahan ng pakikibahagi ang isa pang katotohanan na ang
Pasko ay isang selebrasyong Kristiyano sa mga mata nina Asmina at Noraima. Sa
kabilang banda, hindi rin maling isipin na ang ganitong ‘transgresyon’ sa mga
mata ni Jasim ay isang pagbibigay-daan sa mga mapaminsalang pwersang panlabas
na pinaniniwalaan niyang makapagdedestabilisa sa matibay na pundasyon ng kaalaman
at katotohanang Islamiko na kanyang pinanghahawakan, lalong-lalo na kung
kakamihasnan, sapagkat pinalalabo nitong tuluyan ang hangganang naghihiwalay sa
Kristiyanismo at Islam sa usapin ng Pasko. Kahit pa sabihin na sekular ang
rasyonal ng pakikibahagi ay hindi maiaalis ang pangamba na kitlin nito ang
kahulugang relihiyoso ng hindi pagdiriwang ng Pasko. Kung gayon, marahil ang
Pasko at ang esensya ng pakikibahagi sa komunidad na nakikita nina Asmina at
Noraima ay hindi mapaghiwalay ni Jasim sapagkat lantad na lantad ang
pagkakakilanlang panrelihiyon ng nasabing pakikibahagi dahil nakasandig sa
paniniwalang Kristiyano. Sa ganang ito, masasabi ko na marahil ay ganito ang
nais ipahiwatig ng mga reaksyon ni Jasim ukol sa aming pag-uusap na ang
pagrespeto sa konsepto ng Pasko ay hindi dapat mangahulugan ng pagsailalim sa
hiraya nito tulad ng ginagawa ng kanyang mga kamag-aral na sina Asmina at
Noraima.
Hinayaan ko lamang na dumaloy ang
pag-uusap naming tatlo sapagkat nangangamba ako na kung bibigyan ko ng tiyak na
estruktura ang aming pag-uusap ay may mga saloobing hindi mailalabas at
mapakikinggan dahil kikitlin niyon ang dinamismo na siyang nagbibigay sigla at
lakas sa anumang uri ng ugnayan. Narating ng aming pag-uusap ang konsepto ng
Balik-Islam, ang hindi pagkatanggap sa trabaho ng nakatatandang kapatid ni
Noraima, ang kanyang nobyong Kristiyano, ang hindi pagsusuot ng abaya ni Asmina,
ang paglalakbay sa Mecca, ang dahilan sa paglaki diumano ng Kaaba at ang itim
nitong kulay, ang kalendaryong Islamiko at ang mga pagdiriwang ukol dito, at
iba pa. Sa pagkukuwento nila sa mga bagay na ito aking napagtanto ang mayamang
repositoryo ng mga kahulugang pantao na mahalagang madukal sapagkat susi sa pag-unawa
sa mga ugnayang panlipunan at pangkapangyarihan na kinapapalooban, hindi lamang
ng tatlo kong mag-aaral na Muslim, kundi ng buong komunidad Islamiko. Sa
kabilang banda, napansin ko rin na may ugnayang pangkapangyarihan ang tatlo sa
kanilang pakikipagkuwentuhan sa akin na maaaring mangahulugan ng pagiging tapat
o hindi sa inaanibang tradisyong panrelihiyon. Kung may mga detalyeng hindi
alam ang dalawang babae ay nagagawa itong ipaliwanag nang maayos, simple, at
malinaw ni Jasim. May punto pa ngang nagkaroon ng maliit na argumento ukol sa
kasalukuyang taon ayon sa kalendaryong Islamiko na agad namang tinuldukan ni
Jasim kasabay ng pagpapaubaya nina Asmina at Noraima sa kaalamang panrelihiyon
ng kanilang kaklase. Sa sitwasyong ito makikita ang kahalagahan ng pagkaalam sa
mga katotohanang historikal kaugnay ng Islam sapagkat nagpapakita ito ng
pagkilala sa sarili bilang tapat na miyembro ng nasabing komunidad relihiyoso. Sa
ganang ito, masasabi ko, bilang tagapagmasid, na kahit papaano’y
napagtagumpayan ni Jasim na patunayan sa sarili ang kanyang paninindigan bilang
Muslim sapagkat ang kanyang naging tugon sa argumento ay hindi na kinuwestiyon
ng kanyang dalawang babaeng kaklase. Sa ganang ito, masasabi na ang tiwala na
iginawad nina Asmina at Noraima sa kompirmasyon ni Jasim ukol sa isang
kaalamang Islamiko ay sapat na upang mangahulugan itong ganito.
Naging kasiya-siya ang panayam/pakikipagkuwentuhan
ko kina Asmina, Noraima, at Jasim. Hindi namin alintana ang maraming sagabal sa
komunikasyon sa loob ng klasrum na buhay na buhay ang sigabo’t ingay. Hindi rin
namin pansin ang mabilis na takbo ng oras sapagkat ang konsepto ng panayam
bilang isang estrukturadong gawain ay nagbagong-bihis upang maging isang masaya
at kapaki-pakinabang na kuwentuhan. Napagtanto ko na minsan ay hindi naman
lubusang mahalaga na magkaroon ng isang tiyak na tanong na inaasahan mong magpapasimula
ng usapan; mas nangingibabaw ang halaga ng pagkabatid sa ideyang nais
pag-usapan na habang dumadaloy ang pangunang interaksyon sa pagitan ng mga
komunikador ay kusang uusbong ang mga tanong na magbibigay direksyon at lalim
sa usapan. Kaugnay nito, naging lubhang napakamakabuluhan at makahulugan ng
naging palitan ng mga saloobin at pananaw namin sa isa’t isa. Makabuluhan
sapagkat nasagot at masasabing naliwanagan ang aking isipan ukol sa iba’t ibang
bagay sa pananaw ng aking mga mag-aaral na Muslim, na ipinapalagay kong
nangingibabaw na pananaw din ng iba pang Muslim. Nasilayan ko sa pamamagitan ng
kanilang mga tugon ang motibasyong nagpapakilos sa kanila bilang mga aktor sa
lipunan na pinangingibabawan ng mga Kristiyano. Kung iaangat sa antas makro,
makikita na malaki ang pangangailangan, sa kabuuan, na maisatinig ang kanilang
mga saloobin nang sa ganoon ay maimapa ang kanilang posisyon sa mga ugnayang
panlipunan at pangkapangyarihan; na itinatampok ng midya gamit ang iba’t ibang
pamamaraan at lente na ang karamihan ay nagluluwal ng mga hindi makatarungang
perspektiba. Dahil ang kalikasan ng mga ganitong ugnayan ay
politisadong-politisado, masasabi na palalayain ng mga ganitong naratibo ang
maraming kahulugan upang unti-unting isaayos ang mga gusot na nakaaapekto sa
kung paano makisalamuha ang isang grupo sa isa pang grupo. Mula kina Asmina at
Noraima, aking napagtanto na ang pakikibagay at pakikibahagi sa lipunan ay
hindi nangangahulugan ng paglalaho ng sariling identidad sapagkat ang
pakikibagay at pakikibahagi ay hindi pagsailalim at lubusang pagtanggap, ngunit
nangangahulugan lamang ng pagkilala sa malalim na kahulugang mayroon ang iba sa
mga karanasang pangkultura tulad ng Pasko; na maaari namang magkasamang
pagsaluhan at ipagdiwang. Mula kay Jasim, aking napagtanto ang kahalagahan ng
pagkakaroon ng matayog na pagpapahalaga sa sariling pagkakakilanlang nakabatay
sa relihiyon bilang isa sa mga pwersang panlipunan na gumagabay sa pagiging tao
ng isang tao. Sa pagtatapos ng aming kuwentuhan, naitanong ko kina Asmina at
Noraima kung maluwag ba sa loob nilang tatanggapin kung sa hinaharap ay
nanaisin ng kanilang mga magiging anak na dumalo sa mga pagtitipong kaugnay ng
Pasko. Ngumiti sila’t nagbigay ng positibong tugon at hindi ko na tinanong kung
bakit sapagkat ang mga karanasang ibinahagi nila sa akin ay sapat na upang
makita ko ang sagot na aking hinahanap at inaasahang marinig. Ganoon din naman
ang naunawaan ko sa katahimikan ni Jasim.
No comments:
Post a Comment