Tuesday, July 31, 2012

ANG KULTURA SA JIP


Maituturing na pambansang sasakyan nating mga Pilipino ang jip. Ito ay sa kadahilanang nagkalat sila sa ating mga lansangan, pangunahin man o hindi, at tunay namang isang espektakulo sa paningin at pandinig sa araw-araw. Hari ng ating kakalsadahan ang jip dahil numero unong transportasyong tinatangkilik ng mga Pilipino kung kaya’t masasabing mahalagang bahagi ng kulturang Filipino sa kontemporanyong panahon. Hindi padadaig kahit pa makipaggitgitan, makipagpaligsahan, o hindi kaya’y makipag-unahan sa mga higanteng bus na kapwa pumapasada buong magdamag lalong-lalo na sa mga malalaking syudad sa bansa. Hindi rin sila syempre pahuhuli sa disenyo dahil marami-rami pa rin ngayon ang pumapasadang mga makukulay na jip. Dagdag engganyo kumbaga sa mga pasaherong suki na nila. Isa akong regular na pasahero ng mga jip magmula pa noong ako’y nag-aaral hanggang ngayon na ako’y nagtatrabaho na. Sa tagal-tagal ko nang sumasakay rito ay masasabi kong may pangkalahatang kabatiran na ako ukol sa kultura ng transportasyong ito. Marami-raming karanasan na rin, kapwa nakatutuwa at nakadidismaya, ang maiuugnay ko sa pagsakay sa jip. Marami-rami ring paniniwalang popular na minsan ay totoo at minsan naman ay hindi depende sa sirkumstansya.

Pamana sa akin ng aking metikulosang nanay ang paraan ng pagpili ng sasakyang jip sa araw-araw lalong-lalo na sa umaga na papasok sa trabaho at malaki ang tendensiya na maleyt dahil sa trapikong dulot ng siksikan ng mga sasakyan sa tinatawag nilang rush hour. Sabi niya, wag ko raw sakyan ang mga jip na ang drayber ay matanda dahil siguradong makupad ang pagpapatakbo nito, kung hindi man talagang usad-pagong o para bagang bahagi kayo ng funeral parade. Wag ko rin naman daw sakyan kung sobrang bata ang drayber dahil parang sumakay ka sa rollercoaster kung magkagayon. Drayber na hindi matandang-matanda at hindi rin batang-bata ang dapat ko raw sakyan para swabe ang biyahe. Tantyahin ko lang daw ang edad para makasiguro ako sa bilis ng minamaneho niyang jip. Kaso lamang napagtanto ko na ang hitsura ay hindi sapat na batayan ng edad kung kaya’t masyadong vague ito para sa akin. Sa totoo lang ay hindi ko naman lubusang sinusunod si Mama lalong-lalo na kapag nagmamadali ako. Kung anong jip ang mabungaran ko pagbaba ng traysikel ang una kong sinasakyan mapa-bata o mapa-matanda man ang drayber. Madalas nga’y nakagugulat at nakatutuwa ang mga nasasakyan kong jip dahil magkabaligtad na katotohanan ang sumasambulat sa akin: harurot si manong drayber na ang hitsura’y uugod-ugod na at bakit humahawak pa ng manibela habang iyong binata naman ay mistulang namamasyal sa pagpapatakbo animo’y may tanawing ayaw makaligtaan o malagpasan ng tingin.

Sa bayan ng Novaliches kung saan ako sumasakay papasok sa pinagtatrabahuhang unibersidad ay madalas akong makatagpo ng jip na papuno na. Kasabay ng lalong lumalakas na boses ng mga barker ang pagmamadali kong sumampa sa paalis nang jip. Sa ganitong mga pagkakataon ay madalas na nasa dulo na, iyong katabi na ng drayber, ang pwestong nakalaan sa iyo. Madalas din na ang espasyong iyon, kung kukuwentahin, ay kalahati ng ibabayad mong otso pesos bilang minimum fare. Dahil malapit na akong maleyt kung kaya’t kinakagat ko na rin ang anyaya ng maliit na espasyo kahit pa matagal kong ididikit lamang ang puwitan sa upuan, iyon bang nakasayad lang at talagang mananakit ang binti mo sa pagsalo sa sarili mong bigat, habang hinto-arangkada ang jip dahil sa sala-salabat na trapiko. Minsan pa nga’y magbibiro ang ilang barker at drayber na upong otso (dati ay upong syete) lamang dapat para magkasya ang lahat. Ngunit nakatutuwang isipin na sa kabila ng pagkakaiba ng sukat at laki ng mga taong sumasakay ay ipinipilit ang sampuan sa magkabilang panig ng jip. Maaaring hindi alam ng mga barker at drayber ang pagkakaiba ng ideyal sa reyal, o kanila lamang itong isinasantabi.

Isa pang nakaaaliw na katotohanan sa jip ang kahalagahan ng kooperasyon ng lahat lalong-lalo na sa pag-abot ng pasahe. Depende sa kung saan ka nakaupo kung ikaw ang magiging good samaritan ng kung tutuusin ay isang simpleng gawain lamang ngunit iniiwasan ng marami hangga’t maaari. Maraming taktika ang ilan para makaiwas sa “responsibilidad” tulad ng pagtutulog-tulugan kahit pa halatang-halata na nakapikit lamang ang mga mata, pagtingin sa labas kahit pa halatang todo pihit ang leeg para lang magkaroon ng excuse para hindi mag-abot ng pasahe, pagtetext para abutin na ng iba o ng katabi ang pamasaheng ipinapasa sa kanya, at marami pang ibang paraan basta madedma lamang ang pag-abot ng pasahe. Feeling siguro ng iba ay may konduktor sa jip tulad ng kalakaran sa mga pampubliko at pribadong bus. Ang kailangan nilang mapagtanto ay ang katotohanang sa jip ay maaaring maging konduktor ang lahat. Lahat ay dapat na handang mag-abot ng pasahe. Idagdag pa diyan ang taktika ng ilan na pakikisabay sa pagbabayad ng pasahe, lalo na kung karamihan ay barya at kung marami ang nagbabayad nang sabay-sabay, upang mapagtakpan ang isa pang katotohanan na hindi lahat ay nagbabayad ng tamang pasahe. Hindi pa kasama diyan ang taktika ng ilan na umidlip muna dahil malayo pa naman ang kanilang destinasyon at kasabay ng pagpapalit-palit ng pasahero, ang pag-akyat baba nila, ay tiyak na malaki ang tsansa, lalong-lalo na kung hindi tutok si manong drayber sa kung sino pa ang hindi nakakapagbayad, na malusutan siya ng mga nakikiangkas lamang pala.

 Sa kabuuan, masasabi na isang nakatutuwang eksplorasyong kultural ang pagsakay sa jip. Iba’t ibang uri ng tao, dala-dala ang kanilang mga indibidwal na disposisyon, ang makakasalamuha mo rito. Maliit na grupo ang bumubuo sa jip at ang harapang posisyon ng mga pasahero, maliban sa unahan, ay nagbibigay ng pagkakataon sa mas bukas na interaksyon, lalong-lalo na kung trapik kung saan pamatay-bagot ang pagkukwentuhan ng mga pasahero sa isa’t isa, hindi katulad sa mga bus na limitado ang interaksyon dahil sa posisyon ng mga pasahero at estruktura mismo ng nasabing sasakyan. Isama pa diyan ang mga nakababaliw na pangyayari sa loob ng jip na sigurado akong karamihan sa mga Pilipino ay may maibabahaging kwentong pang-aliw o pang-inis. Ngunit sa pangkalahatan, ang kabuluhan ng jip sa buhay nating mga Pilipino ay hindi lamang sa pagsakay rito bilang pangunahing moda ng transportasyon, kundi sa pagdanas sa kulturang pinasisibol nito sa araw-araw nating pagtangkilik dito.

ISANG ARAW SA MUSEYO



Hindi natin lubusang kilala si Manuel L. Quezon. Madalas ay apat na bagay lamang ang alam  natin tungkol sa kanya. Apat na katotohanang may bigat at dahilan ng pagkakaukit niya sa pambansang gunita. Una, siya ang naging pangulo noong Panahon ng Komonwelt kung saan inihanda ang Pilipinas ng pamahalaang Amerikano sa pagsasariling igagawad nila makalipas ang 10 taong yugtong preparatoryo. Ikalawa, siya ang kinikilalang Ama ng Wikang Pambansa sa kanyang pagtatalaga sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Ikatlo, sa kanya ipinangalan ang itinuturing ngayon na pinakamayamang lungsod sa Pilipinas at isang probinsya sa Timog Katagalugan na lugar din ng kanyang kapanganakan. At ikaapat, nakalimbag ang kanyang mukha sa beynte pesos na tanda ng mataas na pagpapahalaga ng lipunang Pilipino sa kanyang mga kontribusyong pangkasaysayan. Sa kabilang banda, mas masuwerte si Rizal dahil hindi hamak na mas maraming alam ang Pilipino tungkol sa kanya. Ganoon yata talaga kapag pambansang bayani ka, mahigit 100 taon ka nang nahihimbing sa kung saan mang lupalop sa kabilang-buhay ay patuloy pa rin ang pag-uusap ng mga tao tungkol sa ‘yo. Patuloy ka pa ring ipinaliliwanag sa bagong henerasyon ng mga Pilipino dahil ang mga kaisipang pinausbong mo’y natatangi, makahulugan, at may susing halaga kahit pa ilandaang taon na ang lumipas at marami na ang nagbago. Kaantas mo, kung gayon, ang Diyos sa pagka-imortal. Ganito ang kapalaran ng mga personalidad na dinakila sa kasaysayan. Pinananatiling buhay ang kanilang mga alaala sapagkat pinaniniwalaan ng nakararami na mga pirasong mapagbuo sa kaluluwang pambansa ang kanilang mga ambag pangkasaysayan. Tulad ni Rizal, kabilang din sa mga nasa pedestal si Quezon. Tulad ni Rizal, may inihandog na museyo ang mga Pilipino para kay Quezon.

            Katatapos lamang ng malakas na ulan nang tumulak ako papuntang Quezon City Memorial Circle para bisitahin ang maliit nilang museyo roon. Biyernes noon at siyang nag-iisang araw sa linggo na maluwag ang aking iskedyul sa pinagtatrabahuang unibersidad. Mabuti na lamang at natapos na ang pagngingitngit ng langit dahil tiyak na nabasa ako kahit pa ako’y nagdala ng payong. Mabagal ang lakad ko sa underpass patungong QCMC dahil umapaw ang mga daanan ng tubig ulan na naging dahilan ng paglalawa ng ilang bahagi ng underpass. Habang mabagal na binabagtas ang lagusang iyon ay napalingon ako sa mga nakapaskil na plano at proyekto ng kasalukuyang pamunuan ng Lungsod Quezon, kung saan inihahayag nang buong pagmamalaki sa publiko ang pagpapaigting sa modernisasyon ng lungsod. Nakatutuwang isipin na kasabay ng mundo ay nagmamadali rin ang lungsod na ito sa pagtalunton sa landas ng globalisadong pag-unlad. Marami ang gustong magpatangay sa daluyong ng mga mapanlinlang na pagbabagong panlipunan. Marami ang nahihirati sa kinang na pansamantala. Hindi lamang sila ang nababaliw. Buong bansa ang nahuhumaling kung tutuusin.

            Isang malawak na pook pasyalan ang Quezon City Memorial Circle. Patunay lamang ang parkeng ito ng tinatamasang rangya ng lungsod na tinagurian ding City of the Stars. Bukas sa publiko ang parkeng ito kung kaya’t talagang dinaragsa ng mga tao. Magkakapamilya, magkakaklase, magkakabarkada, at magkakasintahan ang karaniwang nagpupunta rito. Maraming gawaing panlipunan ang ginagawa sa parke mula umaga hanggang gabi kung kaya’t maituturing na isa sa mga cultural hub sa National Capital Region ang QCMC. Nasa sentro ng nasabing pook pasyalan ang museyo na naglalaman ng mga gamit at larawan ng dating pangulong Quezon at kanyang pamilya. Walang bayad ang pagpasok dito kundi kusang-loob na donasyong maaaring ihulog sa tabi ng pasukan ng museyo. Para akong nag-time travel sa pagpasok ko. Maaamoy ang kalumaan at ang dala-dala niyong kasaysayan. Mababanaag sa mga larawan, hindi na lamang ang mga emosyong pantao ng mga naroon na hindi na kailanman magagawang lumain ng panahon, kundi maging ang mga pangyayari na nagluwal ng mga ganoong larawan. Mga pangyayaring mapagtaya sa kapalaran ng bayang Pilipino noong mga panahong iyon. Maraming larawan ang nagpakita ng pampublikong buhay ni Quezon bilang isang politiko. Pinakatampok sa akin ang larawang kasama niya si Roosevelt, ang pangulo noon ng Estados Unidos, sa konteksto ng mga negosasyon para sa napipintong ‘paglaya’ ng Pilipinas. Nakangiti roon si Quezon na maaaring mangahulugan ng dalawang bagay. Una, ang galak at nag-uumapaw na kaligayahan sa ‘paggagawad’ ng soberanya ng bansa na kung tutuusin ay hindi dapat ipagpasalamat sa mga Amerikanong nandagit lamang nito sa pagtatapos ng ika-19 na siglo. At ikalawa, ang katotohanang siya ang naging pangunahing pwersa sa isang makasaysayang transisyon na maglalagda ng kanyang pangalan sa kasaysayang Pilipino. Kakaunti ang nagpakita ng kanyang pribadong buhay malayo sa salimuot ng mundo ng politika. Sabagay, hindi mapasusubalian na magmula nang pumalaot si Quezon sa pambansang politika ay kasabay niyang isinuko ang malaking bahagi ng kanyang pribadong buhay. Bahagi ito ng pakikipagtaling-puso o pakikipag-isang dibdib sa bayan. Ang pribado ay nagiging publiko. Ang publiko ay aariing pribado.

            Habang pinagmamasdan ko ang mga piling kagamitan ng pamilya Quezon ay hindi ko maiwasang mamangha sa gara at hitsura ng kanilang mga gamit sa bahay. Ganoon pala kapag buena familia. May arte ang lahat ng bagay. Ultimo kaha ng sigarilyo ay may maluhong disenyo. Ang orasan ay nililok nang masinsin marahil para maging kaaya-aya ang pag-antabay sa oras na isang gawaing nakababagot. Kahit nga ang lalagyan ng mga tala ay yari sa mamahaling balat. Gawa sa garing o ivory ang hawakan ng payong. May patungan pa ang isang plorera at materyal nito’y mamahaling porselana tulad din ng sabitan ng mga singsing. Sa lagay na ito, masasabi na mas namamayani ang kasiningan ng mga bagay-bagay kaysa sa magiging gamit nito sa praktikal na pagtingin. Hindi ganito ang katotohanan sa higit na nakararaming Pilipino na pangunahin ang praktikalidad sapagkat palaging may nosyon na may ‘kabayaran’ ang kasiningan, lalong-lalo na sa pamantayang elitista, na hindi magagawang tumbasan at sapatan ng kakarampot na halaga lamang. Hindi ko maiwasang ihambing ang ganitong pagkamangha sa mga namalas sa loob ng museyo sa damdaming nabubuo sa akin kapag nanonood ng mga palabas sa telebisyon na ang layon ay bisitahin ang naglalakihang mansiyon ng mga makapangyarihang tao sa lipunan. Maihahalintulad sa pagbisita sa museyo ang daloy ng palabas kung saan ipakikita sa sambayanan ang rangya ng kanilang pamumuhay. Sa gabay ng kamera at pagpokus niyon sa mga kagamitan mapagtatanto ang malaking disparidad sa pamumuhay ng mga tumutunghay at tinutunghayan. May angking gayuma ang mga muwebles sa mga matang hindi sanay na makakita ng mga ganoon dulot ng pagkahikahos na hindi maitatangging produkto ng panlipunang reyalidad, kung kaya’t mas tinitignang luho kaysa pangangailangan. Iyon lamang at hindi mo malaman kung ang ganoong mga palabas ay sadya o palihim na nang-iinggit o nagbibigay-inspirasyon lamang sa mga maralitang tagapanood na magsumikap para matamo ang katulad na garbo na kanila lamang nasasapo sa hinagap at pangangarap. Mananalangin sa pagtatapos ng palabas na makaalis sa tinitirhang singliit ng isang kahon ng posporo at makaahon sa pagkakalunod sa sala-salabat na suliranin sa buhay. Ngunit sa matalas na pagguhit muli ng reyalidad mabilis na mapag-iisip na maaaring sa totoo’y nakatunghay na lamang siya palagi sa engganyo ng telebisyong lipos ng maraming pantasya.

            Mabilis kong natapos ang pagta-time travel dahil may kaliitan ang museyo, ngunit napagtanto ko na wala sa laki o liit ng espasyo ang tunay na kabuluhan ng mga lugar na ganito sapagkat lunan ang mga ito ng mga pagpapahalagang historikal na mapagtaya sa tradisyon ng isang bayang kumikilos kasabay ng panahon. Imahen ng pagsisimula ng bansa ang pangunahing tema ng museyo na nakasentro sa mga kontribusyon ni Quezon bilang lider. Kay Quezon man nakabatay ang nasabing museyo, masasabi rin na imahen ng isang panahong pangkasaysayan ang lugar sapagkat tangan ng mga larawan at gamit doon ang kaluluwang kultural sa isang nakaraan nang yugto. Naroon ang mga kagamitang ikinulong na sa isang tiyak na panahon sapagkat lumipas na ang mga taong nagbigay ng silbi at gumamit sa mga ito. Lumipas na rin ang kanilang gamit sapagkat naging obheto na lamang ng pagmamasid ng henerasyong inuukit pa lang ang kasaysayan. Mapatutunayan, kung gayon, sa ganitong pagbisita at pagmamasid ang mga pagbabago na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga kagamitan. Hindi na lamang ito usapin ng rangya kundi ng materyal na kultura at pamumuhay sa panahong iyon. Ngunit, sa kabilang banda, hindi pa rin maisasantabi ang katotohanan na ipinakikita rin ng mga museyo tulad ng sa QCMC ang disparidad sa estado ng buhay ng mga tao. Hindi maitatangging mga kilalang tao, silang mga makapangyarihan at may hawak ng malaking bahagdan ng kayamanan sa lipunan, ang nagiging pokus ng marami-rami ring museyo. Hindi ito makikita ng mga hindi aral sa diskurso ng mga uri sa lipunan sapagkat nakikita nila ang mga museyo bilang mga lunang walang politikang dala-dala at basta lamang repositoryong pangkalinangan ng isang henerasyon o bayan.

Sa kabila nito, masasabi pa rin na isang maganda at kapaki-pakinabang na pagtuklas sa kultural na landskeyp sa isang panahong pangkasaysayan ang bawat pagbisita sa museyo. Dahil pinahahalagahan ng tao ang paglingon sa nakaraan kung kaya’t nagiging isang makapangyarihang erya ang mga museyo sa ganitong tunguhin. Nagiging impukan ng mga alaala ang mga museyo sapagkat ang mga alaalang patuloy na ipinaaalala ng mga museyo ay pinakikinabangan ng mga tao sa kanilang layong maglandas ng daan pasulong habang karay-karay ang mga tagubilin ng nakalipas. Papasara na ang museyo nang ako’y lumabas. Nagsisimula na muling pumatak ang ulan. Habang nililingon ko ang paligid ay nakita ko ang isang buhay na kapaligiran ng mga tao. Bigla kong naisip na kung tutuusin ay matagal na akong nasa isang museyo, sapagkat ang lipunan at ang malawak na mundo ay isang malaking museyo ng mga kahulugan at madalas pa nga’y mga kontradiksyong pantao. Isa akong tagapagmasid sa buhay na mga alaala ng mabilis na nalulumang kasalukuyan.

            

Sunday, February 12, 2012

BITTER-BITTERAN SA VALENTINES


Minsan ay natatawa ako dahil tuwing Valentines Day napi-feel ko, hindi lang ang kalungkutan dahil wala akong makaka-date, kundi dahil kahit anong pilit ng midya na sabihin na ang Feb 14 ay araw ng pag-ibig---pag-ibig sa magulang, kina lolo't lola, sa loyal friends, sa mga kaeskuwela, katrabaho, at kung sino-sino pa--ay nananatiling naka-highlight ang pag-ibig na romantiko. Kaya kahit niloloko ng midya ang publiko sa pagsasabing ang Feb 14 ay para sa lahat, nananatili ang nakapailalim na mensahe nito na para lamang sa mga may kasintahan lalong-lalo na yaong mga in-love na in-love pa sa isa't isa. Hindi ako makasakay sa ganitong klase ng segregasyong bunga ng ganoong napakamakahulugang mensahe. Mistula bang ipinamumukha sa iyo ng paligid--umaga, tanghali, at gabi--na wala kang karelasyon kung kaya't nakahihiyang pumasok sa loob ng anumang restawran may mga pakulo sila para sa mga romantic couple at hindi ako makaka-avail niyon sapagkat wala akong kapartner na kasamang magda-dine in, at ayaw ko namang mag-imbita ng sinoman sapagkat baka may makakita sa aking mga kakilala na for sure akong sasabihin na ako'y in-love na rin at mabuti'y na-meet na rin nila ang aking one and only. Ang aking one and only? Mukhang mas malaking problema yata iyon dahil kailangan kong pabulaanan ang kanilang masidhing paniniwala, at in the first place, may papayag bang makipag-date sa akin sa araw na iyon? Lalong-lalo na dahil ang paligid ay nakaantabay sa pagsugod ng batalyon ng mga langgam, paghalimuyak ng mga emosyong romantiko, pag-ulan ng iba't ibang kulay ng rosas, at pagtugtog ng mga biyolin. Sino ang susugal sa ganoong komplikasyon? Sino ang handa sa mga samu't saring tanong tungkol sa amin? Na kung ide-deny ko nang bonggang-bongga ay magmumukha naman akong patweetums at showbiz? Sabagay, maaari rin naman akong lumabas kinabukasan, hindi ba? With anyone, mukhang mas okay na dahil nakadighay na ang paligid sa ka-cheesyhan ng nagdaang araw. Pero, paano kung sa Feb 14 ko nga gustong lumabas? Paano nga kaya? 

Monday, January 23, 2012

SA KANILANG MGA MATA: Isang Etnograpiya


     Isang nakalulungkot na katotohanan ang matagal nang hidwaan sa pagitan ng mga Kristiyano at mga Muslim sa lipunang Filipino. Nakatala sa mga pahina ng kasaysayan at unang itinampok ng panitikang kolonyal—ang kwentong Florante at Laura ni Francisco Balagtas bilang pinakamatingkad na halimbawa-- ang kahulugan ng pagiging Kristiyano at Muslim sa nagbabagong konteksto ng mga ugnayang panlipunan; mula nang ipunla ng mga Kastila noong ika-16 na dantaon ang binhi ng Kristiyanismo sa kapuluang tatawaging Filipinas hanggang sa dalhin at patuloy na lumaganap ang kaagapay nitong antagonismo sa modernong panahon. Kung tutuusin, masasabi na pandaigdig ang saklaw ng ganitong kalagayang panlipunan sa pagitan ng dalawa sa pinakamahalaga at pinakamalaking pwersang panrelihiyon na patuloy na humuhulma sa kasaysayang kontemporanyo ng daigdig, kung saan hindi nakaliligtaan ng pangmadlang midya na ipamarali sa mundo ang iba’t ibang kuwento na ang pinapaksa ay ang palagiang pakikipagtunggali ng mga mananampalatayang Muslim sa mga pwersang sa tingin nila’y banta sa kanilang kaangkinan bilang isang grupong kultural, at kung paanong ang kaugnay nitong pagtatanggol sa sariling kapakanan ay nalalangkapan ng malalagim na impresyong sosyo-kultural na pumapaslang sa katotohanang kultural ng mga ganoong pagtugon.
            Kaugnay nito, hindi maitatanggi na ang usapin ng paghahasik ng terorismo at ang pinag-iibayo nitong antagonismong panlipunan ang palagiang binibigyaang daan at ipinangangalandakan sa nakatanghod na publiko. Mabuti na lamang at mayroong mga kontra-punto o argumento na nagbibigay balanse sa malalang kalagayan ng mga pagpapakahulugang sosyo-politikal sa ugnayang Muslim-Kristiyano tulad na lamang ng pananaw ng batikang kritiko na si Gore Vidal sa kanyang aklat na Perpetual War for Perpetual Peace (2002), kung saan diumano ay hindi nasusuri nang malaliman ang mga dahilan na maaaring nagtulak at nagtutulak sa mga binansagan at binabansagang ‘terorista’ tulad ni Osama bin Laden upang gawin ang mga bagay na kanilang ginawa at gagawin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Kung gayon, masasabi na ang mga persepsyong panlipunan na mayroon tayo’t pinanghahawakan nating totoo’t mapagtaya ukol sa usaping ito’y hinubog ng politika ng disparidad kaugnay ng mga imaheng pangkalinangan na ipinaiintindi sa atin ng midya at kung paanong ang isang panig ay hindi nabibigyang tinig at nagagawaran ng kaukulang halaga na nagsasadlak sa kanila, hindi lamang sa laylayan ng mga pagpapahalagang kultural at pangkahulugan, kundi maging sa pagkakagapos sa mga esteryotipong lubos na mapanira’t lantad ang pagkanegatibo.
            Malaki ang epekto ng ganitong namamayaning kaisipan at ang mga kaakibat nitong impresyon sa naging pagpili ko sa magiging paksa ng aking etnograpiya. Isang malaking hamon para sa akin ang tuklasin ang pananaw ng mga Muslim ukol sa katotohanan ng mga bagay-bagay sapagkat nais kong maunawaan ang mga lohika’t prinsipyo na gumagabay sa uniberso ng kanilang pag-iral, lalong-lalo na sa usapin ng mataas na pagkilala sa sarili, at iugnay ito sa aking mga paniniwala’t pansariling paninindigan bilang isang Kristiyano. Dahil sa antagonismong panlipunan, batid ko ang polarisasyong bumibihag sa katotohanan ng kanilang pag-iral kung kaya’t minabuti kong sila ang gawan ng etnograpiya nang sa ganoon ay masipat ko ang kanilang pagtanaw sa mga usapin at bigyan ng lehitimasyon ang kanilang mga tinig. Ang ganitong ideya ang dala-dala ko nang simulan ang pakikipanayam sa aking tatlong mag-aaral na Muslim sa Quezon City Polytechnic University- San Bartolome Campus kung saan ako nagtuturo. Mabuti na lamang at malapit ang loob nila sa akin kung kaya’t hindi ako lubusang nahirapang lapitan at kausapin sila.
            Bilang Kristiyano, nakita ko na makabuluhang lunsaran ng pag-uusap ang Pasko sapagkat magkakaiba ang mga pagtanaw ukol dito. Hindi man ako aral sa Bibliya ngunit malinaw sa akin ang lohika ng pagdiriwang nito. Samantala, isang malaking palaisipan ang pananaw ng iba lalong-lalo na ng mga Muslim kahit pa sabihin na may salimbayan ang Kristiyanismo at Islam. Sa ganang ito, masasabi na sa kabila ng hiblang nag-uugnay sa dalawang relihiyon ay nananatili ang mga kaibhang nagbibigay sa kanila ng partikularidad at nagtatampok sa kanilang kakanyahan. Iniangkla ko ang katotohanan na isang malaking selebrasyong Kristiyano ang Pasko, ang paggunita sa kapanganakan ng tagapagligtas na si Hesus, at hindi ito ipinagdiriwang ng mga kapatid nating Muslim sapagkat ayon sa kanila ay walang petsang nakatala sa Qur’an na nagsasabing isinilang nga si Eesa sa petsang Disyembre 25.  Kaugnay pa nito ang paniniwalang Islamiko na si Eesa ay hindi Diyos at isa lamang propeta ni Allah kung kaya’t masasabi na ang ganitong mga partikularidad ay makabuluhan sa pagtanaw sa Pasko, bilang isang selebrasyong puspos ng sala-salabat at magkakaibang kahulugan at interpretasyon, sapagkat may tangan itong kapangyarihan na kumukuha ng sustansya sa mga katotohanang relihiyoso. Makabuluhan din sapagkat pangunahin ang konsepto ng Diyos at pagkadiyos dahil pinatutungkulan nito ang isang pwersang mapagtaya sa pag-iral ng uniberso ng mga taong nananampalataya, kung saan ang pagiging ‘tama’ ng mga batayang konseptong panrelihiyon ay mahalaga sa kabuuang konsepto ng komunidad relihiyoso ukol sa pagiging ‘tunay’ ng kanilang pinanghahawakang pananampalataya. Ang ganitong pagkakaiba sa paniniwala na nagbubunga ng mga tunggaliang pangkahulugan ay batid ko bilang mag-aaral ng Antropolohiya, kung kaya’t masasabing may kaunting kaba sa aking dibdib nang magsimula akong magtanong sapagkat alam ko na sa paglalim ng aming pag-uusap ay magiging malaking kahingian ang ‘pagtatanggol’ ko sa lohika ng Pasko bilang isang selebrasyong Kristiyano at isang selebrasyong marapat lamang ipagdiwang; anumang debateng historikal-relihiyoso ang sumibol mula rito sa paglaon.
            Bago ko isagawa ang panayam kina Asmina (17), Noraima (17), at Jasim (16) ay malalim kong inisip kung anong tanong ang magandang maging panimula. Sa panonood ng mga panayam sa telebisyon at sa pakikinig ng mga ito sa radyo ay nakita ko kung gaano kahalaga ang panimulang tanong upang buhayin at bigyang direksyon ang magiging pag-uusap. Nasa harapan ng pinto ng kanilang klasrum kinabukasan ay nangangapa pa rin ako sa kung ano ang unang itatanong. Abala ang buong klase sa pakikipagkuwentuhan sa katabi habang ang iba’y nakatitig lamang sa akin; animo’y sabik na marinig ang aking tinig. Nang magsimula akong magsalita ay unti-unting pumayapa’t nagsanib ang kangina’y hiwa-hiwalay na mundo ng pag-iral. Nagbigay lamang ako ng kaunting paalala at tagubilin, at hinayaan na rin silang lunurin ang kanilang mga sarili sa mga mundong kangina’y pinagsaluhan nila. Bukod sa may kailangan akong isagawang panayam ay naramdaman kong hindi na magiging makabuluhan ang pagtalakay ng kung anumang paksang pampag-aaral dahil lulong na ang karamihan sa hiraya ng Christmas vacation. May kung ano talagang hikayat ang Pasko lalong-lalo na kung ang paligid ay ipinagsisigawan na ito, aking napag-isip-isip.
            Inilapit ko ang aking upuan sa magkakatabing sina Asmina, Noraima, at Jasim. Malugod na ngiti ang ibinati sa akin ng tatlo at hindi naglaon ay nagsimula na ang aming pag-uusap. Kinumusta ko sila at ipinakuwento ang mga karanasan noong bata pa sila kaugnay ng Pasko. Si Asmina ang pinakamakuwento sa tatlo. Ayon sa kanya ay minsan na niyang iniyakan ang hindi pagpayag ng kanyang mga magulang na siya’y sumama sa kanilang Christmas party sa paaralan. May ganito ring sentimyento si Noraima na nakikita ang pagdiriwang ng mga Christmas party bilang pakikibahagi sa kanyang mga kaklase na karamihan ay Kristiyano. Samantala, nanatiling tahimik at nakikinig lamang si Jasim sa masayang pagbabaliktanaw ng dalawa. Habang dumadaloy ang usapan namin ay palihim akong lumilingon kay Jasim at pinagmamasdan ang kanyang mga reaksyon. Hindi ko mawari kung hindi siya panatag sa konsepto ng panayam sa kabuuan, na kung tutuusin nga’y hindi maituturing na ‘estrukturado’ sapagkat mistulang simpleng pakikipagkuwentuhan lamang kung pakikinggan at titingnan ang daloy, o ang kanyang kawalang-kibo at gana, na kung hindi siya tatanungin nang malumanay at direkta ay hindi magkukusang magsalita, ay dulot ng paksang aming pinag-uusapan. Marahil ay napansin at naramdaman ni Asmina ang pagnanais kong makuha ang mga saloobin ni Jasim, sa kabila ng lumalaki kong pangamba na manatili siyang ganoon hanggang sa huli, kung kaya’t bigla niyang nasabi na ganoon lamang talaga ang kaklase at palaging tahimik. Sa kasamaang palad, hindi nagawang bunutin ng ganitong pagsasabi ni Asmina ang tinik sa aking dibdib lalong-lalo na ng malaman ko na si Jasim ay mula sa isang pamilyang konserbatibo. Hindi ko maiwasang isipin na ang pagtingin niya sa Pasko ay isang pagdiriwang na hindi marapat ipagdiwang sapagkat hindi bahagi ng kaalamang Islamiko; lalong-lalo pa sigurong kasuya-suya kung ang mga kapwa Muslim, tulad ng kanyang mga kamag-aral na sina Asmina at Noraima, ay makikibahagi sa selebrasyon na kung tutuusi’y isang pangahas na pagtawid sa mga hangganang itinakda ng kanilang relihiyon. Isama pa diyan ang mataas niyang pagkilala sa relihiyong Islam bilang tunay na relihiyon. Inilipad ako nito sa pag-iisip sa paraan ng pagtuturo ko sa kanilang klase sapagkat maaaring nasasaling ko, kung hindi man lubusang nalalabag, ang kanyang sensibilidad bilang isang mag-aaral at bilang isang Muslim. Nakapag-aalala iyon sapagkat madalas ang mga mag-aaral ay hindi nagsasabi ng kanilang mga saloobin sa kabila ng pagiging bukas mo sa kanila. Ang kaugnay na tanong pa nga diyan ay kung ang pagiging bukas mo sa pagtalakay sa iba’t ibang usapin sa klase ay naglalagay sa ilan sa alangan at tahasang kumukompronta sa kanilang mga pinahahalagahan at pinangangalagaang kaisipan at paniniwala.
            Bilang bahagi ng isang lipunang pinamamayanian ng mga Kristiyano, masasabi ko na ang pagnanais nina Asmina at Noraima na makibahagi sa mga pagdiriwang kaugnay ng Pasko at ang kawalang-interes dito ni Jasim ay manipestasyon ng tunggalian ng tradisyonal at modernong pagtanaw sa mga usaping kultural. Tradisyonal sapagkat may paggiit na panatilihin kung ano ang kinasanayan at moderno sapagkat may pagtanggap sa katotohanan ng malaganap na ugnayan ng mga kultura sa kasalukuyang panahon, at ang salimbayan ng mga elementong kultural mula sa iba’t ibang karanasang sosyo-kultural ay tinatanggap, kung hindi man lubusang-lubusan, dahil bahagi ito ng rasyonal ng reyalidad panlipunan sa kasalukuyan. Kaugnay nito, nakita ko na para kina Asmina at Noraima ang Pasko ay isang selebrasyong pangkomunidad kung saan ang malinaw na hangganan sa pagitan ng pagiging Kristiyano at Muslim ay lumalabo, kung hindi man tuluyan o lubusang naglalaho, kung saan ang pakikibahagi ay maaaring maging punto ng pakikipagkasundo, pakikipag-ugnayan, at pagbuo ng matalik na pakikipagkaibigan sa iba sa ngalan ng espirito ng kagalingang pangkomunidad o panlipunan. Sa ganang ito, masasabi na nakabatay sa pagpapakahulugang ikakabit ng sinuman ang magiging pagtanaw niya sa mga pangyayaring kultural tulad ng Pasko. Sa ganitong lente makikita na pinahihina ng katotohanan ng kahalagahan ng pakikibahagi ang isa pang katotohanan na ang Pasko ay isang selebrasyong Kristiyano sa mga mata nina Asmina at Noraima. Sa kabilang banda, hindi rin maling isipin na ang ganitong ‘transgresyon’ sa mga mata ni Jasim ay isang pagbibigay-daan sa mga mapaminsalang pwersang panlabas na pinaniniwalaan niyang makapagdedestabilisa sa matibay na pundasyon ng kaalaman at katotohanang Islamiko na kanyang pinanghahawakan, lalong-lalo na kung kakamihasnan, sapagkat pinalalabo nitong tuluyan ang hangganang naghihiwalay sa Kristiyanismo at Islam sa usapin ng Pasko. Kahit pa sabihin na sekular ang rasyonal ng pakikibahagi ay hindi maiaalis ang pangamba na kitlin nito ang kahulugang relihiyoso ng hindi pagdiriwang ng Pasko. Kung gayon, marahil ang Pasko at ang esensya ng pakikibahagi sa komunidad na nakikita nina Asmina at Noraima ay hindi mapaghiwalay ni Jasim sapagkat lantad na lantad ang pagkakakilanlang panrelihiyon ng nasabing pakikibahagi dahil nakasandig sa paniniwalang Kristiyano. Sa ganang ito, masasabi ko na marahil ay ganito ang nais ipahiwatig ng mga reaksyon ni Jasim ukol sa aming pag-uusap na ang pagrespeto sa konsepto ng Pasko ay hindi dapat mangahulugan ng pagsailalim sa hiraya nito tulad ng ginagawa ng kanyang mga kamag-aral na sina Asmina at Noraima.
            Hinayaan ko lamang na dumaloy ang pag-uusap naming tatlo sapagkat nangangamba ako na kung bibigyan ko ng tiyak na estruktura ang aming pag-uusap ay may mga saloobing hindi mailalabas at mapakikinggan dahil kikitlin niyon ang dinamismo na siyang nagbibigay sigla at lakas sa anumang uri ng ugnayan. Narating ng aming pag-uusap ang konsepto ng Balik-Islam, ang hindi pagkatanggap sa trabaho ng nakatatandang kapatid ni Noraima, ang kanyang nobyong Kristiyano, ang hindi pagsusuot ng abaya ni Asmina, ang paglalakbay sa Mecca, ang dahilan sa paglaki diumano ng Kaaba at ang itim nitong kulay, ang kalendaryong Islamiko at ang mga pagdiriwang ukol dito, at iba pa. Sa pagkukuwento nila sa mga bagay na ito aking napagtanto ang mayamang repositoryo ng mga kahulugang pantao na mahalagang madukal sapagkat susi sa pag-unawa sa mga ugnayang panlipunan at pangkapangyarihan na kinapapalooban, hindi lamang ng tatlo kong mag-aaral na Muslim, kundi ng buong komunidad Islamiko. Sa kabilang banda, napansin ko rin na may ugnayang pangkapangyarihan ang tatlo sa kanilang pakikipagkuwentuhan sa akin na maaaring mangahulugan ng pagiging tapat o hindi sa inaanibang tradisyong panrelihiyon. Kung may mga detalyeng hindi alam ang dalawang babae ay nagagawa itong ipaliwanag nang maayos, simple, at malinaw ni Jasim. May punto pa ngang nagkaroon ng maliit na argumento ukol sa kasalukuyang taon ayon sa kalendaryong Islamiko na agad namang tinuldukan ni Jasim kasabay ng pagpapaubaya nina Asmina at Noraima sa kaalamang panrelihiyon ng kanilang kaklase. Sa sitwasyong ito makikita ang kahalagahan ng pagkaalam sa mga katotohanang historikal kaugnay ng Islam sapagkat nagpapakita ito ng pagkilala sa sarili bilang tapat na miyembro ng nasabing komunidad relihiyoso. Sa ganang ito, masasabi ko, bilang tagapagmasid, na kahit papaano’y napagtagumpayan ni Jasim na patunayan sa sarili ang kanyang paninindigan bilang Muslim sapagkat ang kanyang naging tugon sa argumento ay hindi na kinuwestiyon ng kanyang dalawang babaeng kaklase. Sa ganang ito, masasabi na ang tiwala na iginawad nina Asmina at Noraima sa kompirmasyon ni Jasim ukol sa isang kaalamang Islamiko ay sapat na upang mangahulugan itong ganito.
            Naging kasiya-siya ang panayam/pakikipagkuwentuhan ko kina Asmina, Noraima, at Jasim. Hindi namin alintana ang maraming sagabal sa komunikasyon sa loob ng klasrum na buhay na buhay ang sigabo’t ingay. Hindi rin namin pansin ang mabilis na takbo ng oras sapagkat ang konsepto ng panayam bilang isang estrukturadong gawain ay nagbagong-bihis upang maging isang masaya at kapaki-pakinabang na kuwentuhan. Napagtanto ko na minsan ay hindi naman lubusang mahalaga na magkaroon ng isang tiyak na tanong na inaasahan mong magpapasimula ng usapan; mas nangingibabaw ang halaga ng pagkabatid sa ideyang nais pag-usapan na habang dumadaloy ang pangunang interaksyon sa pagitan ng mga komunikador ay kusang uusbong ang mga tanong na magbibigay direksyon at lalim sa usapan. Kaugnay nito, naging lubhang napakamakabuluhan at makahulugan ng naging palitan ng mga saloobin at pananaw namin sa isa’t isa. Makabuluhan sapagkat nasagot at masasabing naliwanagan ang aking isipan ukol sa iba’t ibang bagay sa pananaw ng aking mga mag-aaral na Muslim, na ipinapalagay kong nangingibabaw na pananaw din ng iba pang Muslim. Nasilayan ko sa pamamagitan ng kanilang mga tugon ang motibasyong nagpapakilos sa kanila bilang mga aktor sa lipunan na pinangingibabawan ng mga Kristiyano. Kung iaangat sa antas makro, makikita na malaki ang pangangailangan, sa kabuuan, na maisatinig ang kanilang mga saloobin nang sa ganoon ay maimapa ang kanilang posisyon sa mga ugnayang panlipunan at pangkapangyarihan; na itinatampok ng midya gamit ang iba’t ibang pamamaraan at lente na ang karamihan ay nagluluwal ng mga hindi makatarungang perspektiba. Dahil ang kalikasan ng mga ganitong ugnayan ay politisadong-politisado, masasabi na palalayain ng mga ganitong naratibo ang maraming kahulugan upang unti-unting isaayos ang mga gusot na nakaaapekto sa kung paano makisalamuha ang isang grupo sa isa pang grupo. Mula kina Asmina at Noraima, aking napagtanto na ang pakikibagay at pakikibahagi sa lipunan ay hindi nangangahulugan ng paglalaho ng sariling identidad sapagkat ang pakikibagay at pakikibahagi ay hindi pagsailalim at lubusang pagtanggap, ngunit nangangahulugan lamang ng pagkilala sa malalim na kahulugang mayroon ang iba sa mga karanasang pangkultura tulad ng Pasko; na maaari namang magkasamang pagsaluhan at ipagdiwang. Mula kay Jasim, aking napagtanto ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matayog na pagpapahalaga sa sariling pagkakakilanlang nakabatay sa relihiyon bilang isa sa mga pwersang panlipunan na gumagabay sa pagiging tao ng isang tao. Sa pagtatapos ng aming kuwentuhan, naitanong ko kina Asmina at Noraima kung maluwag ba sa loob nilang tatanggapin kung sa hinaharap ay nanaisin ng kanilang mga magiging anak na dumalo sa mga pagtitipong kaugnay ng Pasko. Ngumiti sila’t nagbigay ng positibong tugon at hindi ko na tinanong kung bakit sapagkat ang mga karanasang ibinahagi nila sa akin ay sapat na upang makita ko ang sagot na aking hinahanap at inaasahang marinig. Ganoon din naman ang naunawaan ko sa katahimikan ni Jasim.




THE OTHER SIDE OF ENGLISH

      It is undeniable that the English language and its attendant culture continue to dominate Philippine society in modern times. It is not surprising that English is given institutional priority for it is widely believed that for our country to prosper and advance like industrialized nations in Europe and North America we have to emulate Western models of modernization and progress, where the English language is always a crucial component. We fail to realize that the reality present in non-Western societies may be totally different from the West, so theoretical models should be carefully evaluated and critiqued before deciding whether their fundamental principles should be applied or rejected. The influence of the English language in today’s world is unquestionable for globalization relies on it as a tool for an unrestrained exchange of zillions of information needed to integrate different peoples of diverse backgrounds.
      However, developing and industrializing nations like the Philippines should be wary of the ideological foundation of the extant international economic polarization that the English language helps to perpetuate in different societies the world over. In Philippine setting elite groups control and dominate the politico-economic life where discourse is conducted in English—a language that history will never vindicate of being an instrument of elitism during the American period. This reality, that continues to plague Philippine society today, impedes the capacity of the majority of the population to participate in much needed public discourses that will define our goals as a nation as we tread the 21st Century. Only those who are highly competent in English get to articulate their ideas where more often than not reflects the vested interests of their class; to the disadvantage of a great number of Filipinos whose participatory power is undermined just because they don’t speak ‘proper’ English. The social hierarchy is thus reinforced by this language contrary to the belief that it promotes upward mobility. Not everybody gets good English training to qualify in top positions in business and government vital in national policy making. Only a limited few ends up speaking and writing the language with above average competence so others end up occupying lower positions where ascent to a higher caste remains but a fantasy.
      There is more to say about the role the English language plays in Philippine social life. We should remember that its status will never be completely understood if we don’t recognize how unequal power relations are supported by this foreign idiom, and how the hegemony it creates over national life alters our perceptions of how we see ourselves as a nation wanting to take-off and yet finds itself moored for many reasons where the language issue is always one of the decisive factors. Therefore, an intelligent and critical understanding of Philippine contemporary history demands a closer look at the other side of English—a language we venerate without understanding.